Nagmahal

 

Hayop na Pag-ibig

1. Pugita

Bubulagin ka ng tinta,

Dudukutan ng pag-asa,

Lalasunin ang haraya;

Hindi ka makapupuga.

2. Matsing

Noon, walang kasing tuso,

Kay rami ng kalaguyo.

Ngayon, napusoy ang pilyo,

Kakamot-kamot ng ulo.

 

 

Nasaktan

 

Ama Namin

Ama namin

Sumakabilang bahay ka

Sumpain ang ngalan mo

Mapasaamin ang puso’t isipan mo

Sundin ang konsensya mo

Bumalik ka na para lang sa amin

Bigyan mo kami ng aming kakanin

Sa araw-araw

At patawarin mo kami

Sa aming mga sala

Pinapatawad ka na rin namin

Sa mga kasalanan sa amin

At huwag mo kaming

Hayaang maging ulila sa ama

At piliin mo kami

Huwag maging masamang ama

 

 

Umasa

 

Tinggoy

(isang kuwentula)

“Kailan kaya ako makalilipad?” tanong sa sarili ni Tinggoy, isang tingga, habang nasa tuktok ng isang bundok ng basura.

Narinig ito ni Papel. “Ang dali-dali lang kayang makalipad! Tingnan mo ‘ko,” pagpapasikat niya kay Tinggoy.

At madaling nagpatangay sa hangin si Papel. Hihiyaw-hiyaw pa siya habang nasa ere.

Nakita ni Plastik ang umukit na inggit sa mukha ni Tinggoy. “H’wag mo siyang pansinin, nagpapakitang-gilas lang siya,” pagtitiyak niya kay Tinggoy.

“Sana magawa ko ring makalipad gaya ni Papel,” naiinggit na sabi ni Tinggoy.

Paano kang makalilipad kung mabigat ang iyong katawan? nagdududang naisip ni Plastik.

Maya-maya pa’y inihip na rin si Plastik ng hangin. “Hangad ko ang katuparan ng iyong pangarap!” sigaw niya habang nililipad ng hangin.

Naiwang mag-isa si Tinggoy sa bundok habang nangangarap. Hindi natitinag ang pag-asang matupad ang pangarap niyang makalipad balang araw.

 

Samantala, isang bata ang naghahalukay sa tambakan ng basura. Nakakita siya ng sari-saring basura tulad ng papel, plastik, at tingga. Dinampot niya ang tingga at binihisan ng istro. Niyaya niya ang kanyang kalaro, “Tara, laro tayo ng sipa!”

 

*Lahok para sa Kategoryang Tula sa Saranggola Blog Awards 8 (http://www.sba.ph/)

    

Advertisements