Super Nanay ang turing ko kay Nanay. Ang dami kasi niyang ginagawang trabaho at araw-araw nagpapalit ito. Minsan naman iba-iba ang trabaho niya sa loob lang ng isang araw. Naikuwento sa akin noon ni Nanay na iniwan kami ni Tatay noong sanggol pa lang ako. Simula noon, siya na ang gumagawa ng lahat ng gawain sa loob at labas ng bahay.

Nagiging imbestigador si Nanay. May mga gabing nakakakita siya ng maliliit na piraso ng kulay brown na bagay sa sahig sa tapat ng ref. Pinupulot niya ang isang piraso at kikilatisin. Inaamoy niya iyon—matamis! Kapag sinasalat, unti-unti iyong natutunaw at dumidikit sa kanyang daliri. Sinusundan niya ang mga iyon na madalas ay papuntang kuwarto ko. Binubuksan niya ang pinto para bulagain ako habang kinakain ang tsokolateng kinuha sa ref.

Nagiging tour guide si Nanay. Inililibot niya ako sa iba’t ibang lugar na hindi ko pa napuntahan. Sinasamahan niya akong magpahangin sa Bangui Windmills, magbilang ng mga baitang ng Hagdan-hagdang Palayan ng Banawe, at tumalon sa Pagsanjan Falls. Minsan naman, nilalakad namin ang kahabaan ng Great Wall, inaabangan ang pagbukadkad ng mga cherry blossom, at inaakyat ang Mt. Everest. Kung saan-saan ako inililibot ni Nanay habang kinukuwentuhan niya ako ng mga aklat pambata bago matulog.

Nagiging pulis si Nanay. Sinasagip niya ako sa tuwing tumitili ako dahil sa lumilipad na ipis. Hahagisan niya ito ng pambura, lesson plan, o ng kung anumang madampot sa kanyang bag saka ako hihilahin patakbo sa kuwarto para matakasan namin ito. Pagkatapos ay sabay kaming magtatawanan.

Nagiging magician si Nanay. Mapapansin niyang kapag nanonood ako ng TV tuwing gabi, nararamdaman kong unti-unting bumibigat ang mga mata ko habang nakahiga sa sofa. Hanggang sa tuluyan akong mapapikit. Paggising ko, laging nasa kama na ako. Paano kaya nangyayari iyon? Palagay ko, ikinukumpas ni Nanay ang kanyang tsok para mailipat ako sa kama. Magic!

Nagiging guro si Nanay sa Grade 6 kung saan ako nag-aaral. Sabay kaming pumapasok sa iskul. Apat na taon pa bago ko siya maging guro. Pagkauwi galing iskul, siya ang nagtuturo sa akin ng mga aralin na hindi ko maintindihan. Siya ang tumutulong sa akin sa pagsasagot ng mga assignment ko. Siya rin ang nagtuturo sa akin na maghugas ng kamay bago kumain. Maging ang pagdarasal bago matulog at pagkagising.

Minsan naman sunod-sunod na ginagawa ni Nanay ang iba’t ibang trabaho. Halimbawa, magmimistula siyang imbestigador sa paghahanap sa akin at mahuhuli niya akong kumakain ng tsokolate sa kuwarto. Parang guro naman siya sa pagpapaalala sa akin na maghugas ng kamay at magsipilyo pagkatapos kumain. Saka siya mag-aala-tour guide sa paglilibot sa akin sa iba’t ibang lugar bago matulog. Ibang klase talaga si Super Nanay!

Nakabibilib talaga si Nanay. Sa dami ng trabaho niya, hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang kanyang lakas. Minsan naitanong ko sa kanya, “’Nay, hindi po ba kayo napapagod? Hindi po ba kayo napapagod sa pagiging imbestigador, tour guide, pulis, magician, at guro?” Napangiti si Nanay. Sagot niya, “Hindi ako kailanman mapapagod, Mica. Lahat ng iyon ay para sa iyo dahil mahal kita.” Niyakap ko si Nanay; niyakap niya ako pabalik.

 

Nang magkaroon ng Family Day sa iskul, inimbitahan ang nanay at tatay namin. Dahil sa iskul din namin nagtuturo si Nanay, nakadalo siya sa Family Day.

Napansin kong ako lang sa aming magkakaklase ang tanging may isang magulang na kasama; lahat sila ay pare-parehong may nanay at tatay. Nilapitan ako ng isa kong kaklase at nagtanong, “Nasaan ang tatay mo?”

Tumingin ako kay Nanay na nginitian ako. “Hindi ko naman kailangan ng tatay kasi laging nandiyan si Nanay para sa akin,” sagot ko.

Naglaro kami ng Bring Me, Trip to Jerusalem, at Calamansi Relay. Nagkaroon din ng karera ng sako at kami ni Nanay ang nanalo! Tuwang-tuwa naming tinanggap ang premyo—isang supot ng iba’t ibang tsokolate!

Pagkatapos ng mga laro, kumain kami ng ispageti at pritong manok.

Ngayong araw, hindi imbestigador, tour guide, pulis, magician, o guro si Nanay. Hindi siya magtatrabaho. Ako naman ang magsisilbi para sa kanya. Mamasahihin ko siya. Susuklayan ng buhok. Aalukin ng mga tsokolate. Ngayong araw, ipalalasap ko sa kanya ang tamis ng pagiging Super Nanay niya sa akin.

 

*Lahok para sa Kategoryang Kwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 8 (http://www.sba.ph/)

 
Advertisements